INARESTO ng mga awtoridad sa Saudi Arabia ang isang Omani national na co-pilot matapos nitong saksakin ang mismong piloto ng Flydubai flight at tangkaing agawin ang kontrol sa eroplano habang nasa himpapawid noong Setyembre 30, 2026.
Naganap ang insidente sa Flight FZ1073, na may rutang Dubai patungong Tel Aviv at may sakay na 174 pasahero.
Ayon sa ulat, biglang inatake at sinaksak ng co-pilot ang Indian captain na si Smit Machchhar habang nasa kalagitnaan ng flight sa bahagi ng Saudi Arabia Air space.
Kasunod nito, mabilis na bumaba ang altitude ng Boeing 737 MAX 8 ng tinatayang 14,000 talampakan sa loob ng wala pang dalawang minuto habang umano’y tinatangkang kontrolin ng suspek ang pagpapalipad sa eroplano.
Sa kabila ng mga sugat, nagawa umanong ma-unlock ng piloto ang cockpit door bago siya mawalan ng lakas.
Agad namang pumasok ang ilang pasahero at crew at pinigilan ang suspek.
Kabilang sa tumulong sa pagpigil sa co-pilot ang ilang off-duty crew at mga pasaherong sakay ng flight.
Ang dalawang off-duty pilot na mga pasahero rin sa eroplano ang tumulong sa pagkontrol sa aircraft matapos ma-neutralize ang suspek.
Dahil sa insidente, inilihis ang flight at nagsagawa ng emergency landing sa Tabuk Airport sa Saudi Arabia at ligtas na nakapalag ang eroplano.
Dinala sa ospital ang sugatang piloto at iniulat na nasa stable na kondisyon habang ang suspek naman ay inaresto ng Saudi authorities para sa imbestigasyon.
Matapos ang insidente, ligtas namang nakabalik sa bansang Israel ang mga pasahero sakay ng replacement aircraft.
Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente, kabilang ang motibo ng suspek at kung paano nito naipasok ang panaksak sa mahigpit na security at screening sa airport
