MANILA — HINDI gumagana ang 28 sa 119 bomba na ginagamit sa malalaking pumping stations ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), ayon sa Commission on Audit (COA).
Sa 2025 audit report, sinabi ng COA na ang mga sirang bomba ay hindi operational dahil sa patuloy na pagkukumpuni, pagpapalit at rehabilitasyon ng mga kagamitan.
Sa ilalim ng Republic Act No. 7924, nakatalaga sa MMDA ang pangangasiwa sa flood control sa Metro Manila, kabilang ang operasyon ng pumping stations at floodgates na nagsisilbing pangunahing panangga sa pagbaha.
Ayon sa MMDA, nakamit nito noong 2025 ang 100% reliability ng pumping stations at Effective Flood Control Operation System.
Ngunit iba ang nakita ng COA sa aktuwal na kondisyon ng mga bomba nang isagawa ng mga state auditor ang kanilang inspeksyon.
Sa 29 malalaking pumping stations na pinamamahalaan ng MMDA, 18 ang mayroong kahit isang bomba na hindi gumagana.
Tatlong pumping station naman ang hindi umabot sa pamantayan ng pagiging operational dahil hindi sapat ang bilang ng gumaganang bomba.
Pinakamalala ang kondisyon sa Uli-Uli Pumping Station at Makati Pumping Station, kung saan wala umanong gumaganang bomba nang isagawa ang pagsusuri.
Sa Libertad Pumping Station, dalawa lamang sa anim na bomba ang operational.
Ipinaliwanag ng COA na maaaring hindi agad kapansin-pansin ang epekto ng mga sirang bomba kapag normal ang kondisyon ng panahon.
Ngunit kapag bumuhos ang malakas na ulan, maaaring bumagal ang pag-alis ng tubig-baha dahil limitado ang pumping capacity sa ilang lugar.
Dahil dito, nagbabala ang COA na maaaring tumaas ang panganib ng localized flooding, partikular sa mga lugar na umaasa sa pumping stations para mabilis na maalis ang tubig.
Ayon sa audit report, ang pagiging unserviceable ng ilang bomba ay may kaugnayan sa rehabilitation at warranty-related repairs na isinasagawa sa pamamagitan ng Unified Project Management Office ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Nakatakda man sa MMDA ang pang-araw-araw na operasyon ng pumping stations, nananatili naman sa DPWH ang responsibilidad sa capital outlay, major repairs at infrastructure development.
Dahil dito, kinakailangan ng MMDA na makipag-ugnayan sa DPWH o sa mga contractor para maisagawa at matapos ang malalaking pagkukumpuni bago muling magamit ang mga sirang bomba, ayon sa COA.
