INIIMBESTIGAHAN ngayon ng National Police Commission (NAPOLCOM) si Police Col. Froilan Uy kaugnay ng mga alegasyon ng pang-aabuso sa kapangyarihan, pang-aapi at iba pang umano’y iregularidad.
Ayon kay NAPOLCOM Commissioner Atty. Ralph Calinisan sa press conference nitong Martes, inirekomenda ng mga imbestigador na isailalim si Uy sa pre-charge investigation.
Kabilang sa mga reklamong sinusuri laban sa opisyal ang grave misconduct, grave abuse of authority, oppression, grave neglect of duty, disgraceful and immoral conduct, at conduct unbecoming of a police officer.
Isinasaalang-alang din ng komisyon ang preventive suspension laban kay Uy habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Kabilang sa mga nagharap ng reklamo sina Erika Jane Colle at Christopher Teodoro Batallier, isang kaibigan nilang hindi nagpakilala sa press briefing, gayundin sina Baliwag barangay chief Jaynor Reyes at kapatid nitong si Mira.
Personal na dumalo ang mga complainant sa press conference upang ilahad ang kanilang mga alegasyon laban sa police official.
Ayon kina Colle at Batallier, humingi umano ng tulong sa kanila si Uy at ang isang babaeng sinasabing partner nito upang maisangla ang isang sasakyan sa halagang P150,000.
Gayunman, sinabi nilang hindi na umano natubos ang sasakyan makalipas ang halos isang taon. Nang singilin umano nila ang kanilang pera, pinagbabaril naman ang kanilang bahay.
Ipinakita rin ng mga complainant ang umano’y mga mensahe at pag-uusap na sinasabing nag-uugnay sa partner ni Uy sa insidente ng pamamaril.
Samantala, sinabi ng isang complainant na bago siya nakatakdang magbunyag ng impormasyon tungkol kay Uy sa isang programa sa telebisyon, binantaan umano siyang kasuhan ng carjacking.
Nang humingi ng tulong sa barangay ang civilian couple, inakusahan naman nila sina Uy at ang kanyang partner na ginagamit ang kanilang impluwensiya upang magsampa ng umano’y mga gawa-gawang kaso laban sa kanila sa Taguig at Pasay, kung saan dating nakatalaga ang pulis.
Bukod sa mga reklamong ito, nagsagawa rin ang NAPOLCOM ng motu proprio investigation matapos makatanggap ng lumang video na umano’y nagpapakitang sinasaktan ni Uy ang kanyang partner.
Ayon sa NAPOLCOM, kinumpirma ng PNP Anti-Cybercrime Group na tunay ang video at hindi ito likha ng artificial intelligence o AI.
Lumabas din umano sa police blotter noong 2022 na nagreklamo ang babae laban kay Uy dahil sa umano’y physical at financial abuse.
Sinilip din ng mga imbestigador ang alegasyon na ginagamit ng partner ni Uy ang sasakyan ng PNP at may mga pulis na nagsisilbing escort nito.
Tatlong pulis umano ang natukoy ng NAPOLCOM na nagsilbing escort ng babae.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng komisyon upang matukoy kung may sapat na basehan ang mga reklamong maaaring humantong sa pagsasampa ng pormal na kaso laban kay Uy.
