Limampu’t walong miyembro ng True Brown Style (TBS) ang kabilang sa 200 kataong naaresto sa Mendiola noong Setyembre 21, ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla.
Ayon kay Remulla, lumitaw sa imbestigasyon na 58 sa mga naaresto sa kilos-protesta ay miyembro ng TBS.
Samantala, 13 iba pang miyembro ng TBS ang naaresto kamakailan dahil sa iba’t ibang paglabag, bilang bahagi ng operasyon laban sa mga grupong umano’y nagre-recruit ng mga kabataan para sa karahasan.
Nauna nang inakusahan ang TBS ng pagre-recruit umano ng mga menor de edad at pagsasangkot sa mga ito sa mga gawaing kriminal.
Sinabi ng kalihim na magpapatuloy ang kampanya ng pamahalaan laban sa mga grupong sangkot sa karahasan, katuwang ang Department of Education at mga komunidad.
Gayunman, bukas si Remulla sa pakikipagdayalogo sa mga miyembro ng TBS at nakatakdang makipagpulong sa grupo sa Cavite sa susunod na linggo upang ipaliwanag ang polisiya ng pamahalaan.
