NEGATIVE sa drug test ang kontrobersiyal na si Atty. Jeryll Harold Respicio, vice mayor ng Reina Mercedes, Isabela, matapos siyang sumailalim sa komprehensibong pagsusuri kasunod ng mainitang insidente sa isang sesyon ng Sangguniang Bayan.
Agad nagpa-drug test si Respicio matapos sabihin ni Interior Secretary Jonvic Remulla na nais niyang ipasailalim sa pagsusuri ang opisyal dahil sa naging asal nito sa naturang sesyon.
Ayon kay Respicio, nagbayad siya ng P28,000 para sa isinagawang drug testing sa St. Luke’s Hospital at hiniling kay Remulla na i-reimburse ang naturang halaga.
Sinabi ng bise alkalde sa panayam nitong Miyerkules na pinili niyang sumailalim sa mas malawak na pagsusuri na may qualitative at quantitative drug testing.
“Pinaka-extensive na drug test yung pina-take ko, may qualitative at may quantitative,” ani Respicio. Aniya, agad na lumabas ang qualitative result habang sinundan ito ng quantitative result makalipas ang ilang oras.
Matapos lumabas ang negative na resulta, binati naman umano siya ni Remulla ngunit sinabihan ito, “Hindi pala drugs, may deperensya ka lang talaga sa utak.”
Samantala, sinabi ni Respicio na handa siyang harapin ang anumang kaukulang proseso kaugnay ng kanyang naging asal sa sesyon.
“Makikita naman nila ang lahat ng nangyari sa live. Parusahan nila ako,” pahayag niya.
Gayunman, iginiit ng vice mayor na dapat ding imbestigahan at papanagutin ang mga umano’y nagnanakaw sa kanilang bayan at mga sinasamantala ang mga magsasaka at suplay ng tubig.
Nauna rito, sinabi ni Remulla na nais niyang ipasailalim sa drug test si Respicio matapos mapansin ang umano’y kakaibang asal nito habang isinasagawa ang sesyon ng lokal na konseho.
“Ipapa-drug test ko muna. Parang wala sa sarili eh,” pahayag ni Remulla sa isang ambush interview.
Binanggit din ng kalihim ang umano’y pagsigaw ni Respicio sa isang pulis na naroon sa sesyon, na aniya ay maaaring may kaugnayan sa pag-abuso sa isang person of authority.
Gayunman, sinabi ni Remulla na nagpapatuloy pa ang imbestigasyon sa insidente at ipinauubaya muna kay Isabela Gov. Rodolfo Albano III ang paghawak sa usapin.
