SAN SIMON, Pampanga — KALABOSO ang dalawang Chinese national matapos masakote sa isang bodega na umano’y pinag-iimbakan at bentahan ng hindi rehistradong fabric softener o fabcon na nagkakahalaga ng ₱1.2 milyon.
Dinakip ang dalawa nang salakayin ng pinagsanib na puwersa ng pulisya at militar ang bodega sa Barangay San Isidro, San Simon, Pampanga nitong Lunes, Oktubre 12.
Ayon sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), isinagawa ang operasyon sa bisa ng search warrant dahil sa hinihinalang paglabag sa mga batas na nagreregula sa mga produktong pangkalusugan at kemikal.
Katuwang ng CIDG National Capital Region Field Unit sa operasyon ang Philippine Air Force, Military Intelligence Unit at Food and Drug Administration (FDA).
Batay sa imbestigasyon, nagsisilbing incorporator at supervisor umano ng bodega ang dalawang suspek, kung saan pinaniniwalaang ginagawa at iniimbak ang mga naturang fabcon.
Naabutan umano ang mga ito habang nasa kanilang kustodiya ang mga produktong walang rehistrasyon sa FDA at sinasabing ginagawa o ibinebenta nang walang kinakailangang License to Operate mula sa ahensiya.
Binalaan naman ng CIDG ang publiko laban sa paggamit ng mga hindi rehistradong produkto dahil hindi dumaraan ang mga ito sa kinakailangang pagsusuri upang matiyak ang kaligtasan, kalidad at mga sangkap na ginagamit sa paggawa.
Dahil dito, posibleng malantad sa mapanganib na kemikal ang mga gagamit ng naturang produkto.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad kaugnay ng umano’y ilegal na operasyon ng bodega at pagbebenta ng mga hindi rehistradong fabric softener.
