NASA pitong percentage points ang agwat ni Vice President Sara Duterte kay dating Vice President Leni Robredo sa isang hypothetical presidential race sa 2028, batay sa pinakahuling survey ng Octa Research.
Ayon sa survey, 40 porsiyento ng mga adult Filipino ang nagsabing iboboto nila si Duterte kung gaganapin ngayon ang halalan sa Mayo 2028, habang 33 porsiyento naman ang pumili kay Robredo.
Samantala, 26 porsiyento ng mga respondent ang nagsabing hindi nila pipiliin ang alinman sa dalawang kandidato, undecided pa, o hindi alam kung sino ang kanilang susuportahan.
Isa pang porsiyento ang tumangging sumagot.
Ayon sa Octa, ito ang pinakamaliit na agwat na naitala nila sa pagitan nina Duterte at Robredo.
Napansin din ng Octa na naaayon ang resulta sa mga naunang survey na nagpapakita ng unti-unting pagliit ng agwat ng dalawang personalidad — mula 11 percentage points noong unang quarter, kung saan nakakuha si Duterte ng 46 porsiyento laban sa 35 porsiyento ni Robredo, hanggang siyam na puntos noong ikalawang quarter, na may 43 porsiyento kay Duterte at 34 porsiyento kay Robredo.
Gayunman, nilinaw ng Octa na ang pagliit ng agwat ay bunsod ng pagbaba ng survey rating ni Duterte at hindi dahil sa pagtaas ng suporta kay Robredo.
“Nanatiling halos pare-pareho ang vote share ni Mayor Robredo sa Naga sa 35 porsiyento, 34 porsiyento at 33 porsiyento. Sa parehong panahon, bumaba ng anim na puntos ang suporta kay VP Duterte, habang tumaas naman ng pitong puntos ang bilang ng mga undecided,” ayon sa Octa.
Ipinapahiwatig nito na ang mga botanteng lumalayo sa pagsuporta kay Duterte ay hindi pa direktang lumilipat kay Robredo, kundi nananatiling walang tiyak na kandidatong susuportahan.
Binigyang-diin din ng Octa na dapat ituring ang resulta bilang isang “early benchmark” o paunang batayan lamang at hindi bilang prediksyon sa magiging resulta ng halalan sa 2028.
Ito ay dahil kasalukuyang nahaharap si Duterte sa impeachment trial, habang nauna nang sinabi ni Robredo na wala siyang planong tumakbo sa 2028 presidential elections.
Ayon pa sa Octa, maaaring magbago nang malaki ang mga survey preference depende sa paghahain ng kandidatura, mga alyansang politikal, resulta ng impeachment trial, at mga pagbabago sa mahahalagang isyung kinakaharap ng bansa.
Isinagawa ang survey ng Octa Research sa pamamagitan ng face-to-face interviews mula Setyembre 28 hanggang Oktubre 4, 2026, sa kabuuang 1,200 respondent na edad 18 pagtaas.
