ITINANGGI ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang ulat sa umanoy paglabas-pasok ni dating House Speaker Martin Romualdez sa Quezon City Jail Male Dormitory sa Payatas sa dis-oras ng gabi gamit ang ambulansya.
Kasunod ito sa alegasyon na inilabas sa pamamagitan ng social media post ni Ramon Tulfo sa iregularidad na kinasasangkutan ng ilang mga opisyal ng BJMP.
“Initial CCTV verification by BJMP National Headquarters showed no recorded power or CCTV interruption at the Quezon City Jail–Male Dormitory, and no recorded movement of Rep. Martin Romualdez outside the facility during the period examined,” ayon kay BJMP spokesperson Jayrex Bustinera.
Binigyang-diin ni Bustinera na pare-parehong ipinaiiral sa lahat ng persons deprived of liberty (PDL) ang mga patakaran sa kustodiya at kinakailangan ng wastong utos ng korte bago payagang lumabas ng kulungan ang sinumang bilanggo.
Dagdag pa niya, nananatiling nakatuon ang BJMP sa propesyonalismo, transparency at pantay na pagtrato sa lahat ng PDL, nang walang anumang espesyal na pribilehiyo.
Sinabi rin ng ahensya na seryoso nitong tinutugunan ang mga alegasyon ng iregularidad sa pagkakakulong ni Romualdez at kasalukuyang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Nang tanungin kung anong panahon ang saklaw ng pagsusuri sa CCTV footage, sinabi ni Bustinera na sinuri nila ang mga rekord “since his (Romualdez) last hearing when he was moved outside from his cell to the courtroom.”
Una ng inakusahan ni Tulfo, batay umano sa kanyang source, na pinutol ng isang jail warden ang suplay ng kuryente upang mawalan ng silbi ang CCTV cameras at makalabas umano si Romualdez ng kulungan nang hindi namamalayan.
“Dinadaan sa backdoor stairs at may waiting ambulance sa pagbaba ng stairs, ani tweety bird,” pahayag ni Tulfo sa kanyang post.
Dagdag pa niya, “Pinapapatay ni Warden ang ilaw ng buong jail upang palabasin na may brownout.”
Gayunman, nilinaw ng BJMP na batay sa paunang pagsusuri sa CCTV footage, walang naitalang power interruption o paggalaw ni Romualdez palabas ng pasilidad sa panahong kanilang sinuri.
Samantala, pinapaharap naman ng Sandiganbayan Third Division sa korte ang dalawang opisyal ng BJMP upang magbigay ng paglilinaw hinggil sa kasalukuyang kalagayan ng medikal na kondisyon at seguridad ni Romualdez.
Sa kautusang inilabas nitong Nobyembre 4, 2026, ipinatawag ng anti-graft court sina Jail Superintendent Maria Lourdes P. Pacion, jail warden, at Medical Officer Henry N. Fabro ng Quezon City Jail–Male Dormitory, upang personal na humarap at magtestigo sa pagdinig.
Ang hakbang ng korte ay kasunod ng naturang isyu sa umano’y palihim na pinapayagang lumabas ng kulungan si Romualdez.
Inaasahang magbibigay ng paglilinaw ang mga opisyal ng BJMP hinggil sa mga alegasyon, gayundin sa mga hakbang na ipinatutupad upang matiyak ang seguridad at maayos na pangangalaga sa dating mambabatas habang nasa kustodiya.
Nauna nang sinabi ng BJMP na batay sa paunang pagsusuri sa CCTV footage, walang naitalang pagkawala ng kuryente o pagkaantala sa CCTV cameras, at walang naitalang paglabas ni Romualdez sa pasilidad sa panahong kanilang sinuri.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng BJMP National headquarters ang mga alegasyon ng iregularidad sa kustodiya ni Romualdez.
