TODAS ang isang volleyball coach matapos barilin sa ulo ng isang hindi pa nakikilalang salarin habang nagtuturo sa kaniyang mga manlalaro sa Davao City nitong Huwebes ng gabi.
Batay sa imbestigasyon, naganap ang pamamaril sa loob ng isang gymnasium sa Purok 4, Barangay Bago Gallera.
Nabatid na kasalukuyang nagsasagawa ng volleyball practice ang coach na kinilala sa alyas ‘hernan’, 33 anyos, kasama ang kaniyang mga manlalaro nang biglang pumasok ang isang lalaking nakasuot ng facemask.
Walang sabi-sabing nilapitan ng suspek ang biktima at binaril sa likod ng ulo bago mabilis na tumakas.
Matapos ang pamamaril, sumakay ang salarin sa isang motorsiklong naghihintay sa labas, kung saan mayroon ding mga nakasuot ng helmet na hinihinalang kasabwat nito.
Samantala, naniniwala ang ina ng biktima na posibleng may kaugnayan sa krimen ang kasong kinakaharap ng kaniyang anak.
Hindi naman tinukoy kung anong kaso ang tinutukoy ng ina, habang patuloy na inaalam ng pulisya ang posibleng motibo sa pamamaril at pagkakakilanlan ng mga suspek.
Sinusuri na rin ng mga awtoridad ang mga kuha ng CCTV camera sa lugar na posibleng makatulong sa pagtukoy sa mga salarin at pagresolba sa kaso.
