NASAWI ang isang 27-anyos na pulis matapos aksidenteng pumutok ang sarili nitong baril habang nakikipag-inuman sa ilang kakilala dakong alas-12:30 ng madaling araw nitong Biyernes sa Barangay Caranoche, Santa Catalina, Negros Oriental.
Ayon sa paunang imbestigasyon ng Santa Catalina Municipal Police Station, rumesponde ang mga awtoridad matapos makatanggap ng ulat mula sa isang concerned citizen hinggil sa insidente.
Batay sa salaysay ng mga saksi, kasalukuyang nag-iinuman ang biktima at ilang kakilala sa labas ng isang bahay nang ilabas nito ang kaniyang baril upang ipakita kung paano ito gumagana.
Ngunit habang hawak ang armas, bigla umano itong pumutok at tinamaan ang biktima sa noo.
Agad na ipinaalam ng isang saksi ang nangyari sa live-in partner ng pulis na nasa loob lamang ng bahay nang mangyari ang insidente.
Kaagad na isinugod ang biktima sa Bayawan District Hospital, subalit hindi na ito umabot nang buhay at idineklarang dead on arrival ng mga doktor.
Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente upang matukoy ang buong pangyayari.
Samantala, nagpaalala ang Negros Oriental Police Provincial Office (NORPPO) sa mga pulis at lisensiyadong may-ari ng baril na mahigpit na sundin ang mga panuntunan sa ligtas na paghawak ng armas.
Binigyang-diin ng pulisya na dapat panatilihing nakatutok sa ligtas na direksiyon ang baril at iwasang ilabas o manipulahin ito nang walang sapat na dahilan, lalo na kapag may inuman o pagtitipong may alak.
