NASAWI ang tatlong lalaki matapos magulungan ng isang cement mixer truck ang kanilang sinasakyang motorsiklo sa kahabaan ng M. Valte Road sa Barangay Camachile, Doña Remedios Trinidad (DRT), Bulacan.
Kinilala ng pulisya ang mga biktima sa kanilang mga alyas na France, 30; Adrian, 19; at Jericho, 19, na pawang residente ng Sitio Buasao, Barangay Sapang Bulak sa nasabing bayan.
Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, nagkasalpukan ang motorsiklong sinasakyan ng tatlo at ang cement mixer truck pasado alas 2 ng madaling araw noong Lunes, dahilan upang magulungan ang mga biktima ng mabigat na sasakyan.
Dahil sa tindi ng pinsalang tinamo, dead on the spot ang tatlong biktima.
Ayon kay Bulacan Police OIC Provincial Director Police Colonel Jay Baybayan, patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang buong pangyayari at ang posibleng pananagutan ng driver ng truck.
Hindi pa naglalabas ng karagdagang detalye ang mga awtoridad hinggil sa insidente.
