WALA ng buhay nang dumating sa ospital ang isang 25-anyos na graduating college student matapos bumangga ang minamaneho niyang motorsiklo sa isang sport utility vehicle (SUV) na nagsasagawa ng test drive sa Mangaldan, Pangasinan.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, pauwi na sa Dagupan City ang biktima na si alyas “Cj” nang mangyari ang aksidente.
Ayon sa paunang ulat, mabilis umano ang takbo ng motorsiklo nang salpukin nito ang SUV na kasalukuyang lumiliko sa U-turn slot.
Sa lakas ng impact, tumama ang ulo ng rider at nagtamo ng malubhang pinsala na naging sanhi ng kanyang pagkamatay bago pa man ito maisugod sa ospital.
Nabatid naman sa magulang na hindi umano nila alam na sinusubukan ng kanilang anak ang motorsiklo matapos itong kabitan ng bagong piyesa.
Nalaman nilang ilang ulit itong nag-test drive upang masubukan at mai-adjust ang mga ikinabit na piyesta sa motorsiklo.
Sinasabing dalawang beses na umanong sinubukan ng biktima ang motorsiklo bago ito muling umalis sa ikatlong pagkakataon, na nauwi sa trahedya.
Sa ngayon, hindi pa nagkakaroon ng pag-uusap ang pamilya ng nasawing rider at ang driver ng SUV kaugnay ng insidente.
Wala pang inilalabas na pahayag ang driver ng SUV hinggil sa aksidente.
