NASAMSAM ng mga awtoridad ang tinatayang ₱24.35 milyong halaga ng mga hinihinalang puslit na sigarilyo matapos salakayin ang isang bodega sa Barangay Santa Rosa, Murcia, Negros Occidental nitong Biyernes, Nobyembre 27.
Ayon sa Police Regional Office Negros Island Region (PRO NIR), umabot sa 429 master cases ng sigarilyo ang nakumpiska sa isinagawang operasyon sa Purok Ipil-Ipil matapos makatanggap ng intelligence report hinggil sa umano’y pag-iimbak ng mga ilegal na produktong tabako sa lugar.
Walang nadatnang tao sa bodega nang isagawa ang inspeksyon, kabilang ang sinumang caretaker o may-ari nito. Gayunman, mayroon nang natukoy na person of interest ang pulisya na posibleng may kaugnayan sa nasabing operasyon.
Kabilang sa mga nakumpiskang produkto ang 310 master cases ng JHAZZ American Blend, 31 kahon ng JHAZZ Menthol, 77 master cases ng Kentucky Select at 11 kahon ng iba’t ibang brand ng sigarilyo.
Narekober din sa lugar ang isang Toyota Avanza na isinama sa mga ebidensyang nakuha ng mga awtoridad.
Batay sa pagtataya ng Bureau of Customs (BOC), nagkakahalaga ng ₱57,300 ang bawat master case ng sigarilyo, kaya umabot sa kabuuang ₱24.35 milyon ang halaga ng mga nakumpiskang produkto.
Sa paunang pagsusuri, lumitaw na walang kaukulang permit ang mga sigarilyo at hindi rin sumusunod ang mga ito sa rekisito ng graphic health warnings na ipinag-uutos ng batas.
Posibleng lumabag ang mga responsable sa Republic Act No. 10643 o Graphic Health Warnings Law, Republic Act No. 8424 o National Internal Revenue Code, at Republic Act No. 12022 o Anti-Agricultural Economic Sabotage Act of 2024.
Isinagawa ang imbentaryo sa presensya ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan. Naitala rin ang buong operasyon gamit ang body-worn at alternative recording devices alinsunod sa mga panuntunan ng Korte Suprema.
Sa kasalukuyan, nakalagak sa Murcia Municipal Police Station ang mga nakumpiskang sigarilyo habang hinihintay ang pormal na turnover ng mga ito sa Customs Intelligence and Investigation Service ng BOC.
