NAGTALA ng panibagong kasaysayan si Alex Eala matapos maging kauna-unahang Pilipino na nagkampeon sa WTA Tour singles nang talunin niya si world No. 3 Jessica Pegula, 4-6, 6-4, 6-0, sa final ng Mubadala DC Open noong Martes ng madaling araw (oras sa Pilipinas) sa William H.G. FitzGerald Tennis Center sa Washington, D.C.
Dahil sa tagumpay, umakyat si Eala ng apat na puwesto sa world rankings at naitala ang bagong career-high na World No. 20.
Binati ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang 21-anyos na tennis star sa kanyang makasaysayang panalo.
“Ginawa ito muli ni Alex Eala. Ang Pilipinas ay mayroon na ngayong kauna-unahang WTA 500 champion,” ani Marcos sa kanyang social media post. Dagdag pa niya, patuloy na nagbibigay-inspirasyon si Eala sa mga kabataang Pilipino na mangarap nang mas malaki at muling pinatutunayan kung ano ang posible para sa Philippine tennis.
Sa panayam sa website ng WTA, inilarawan ni Eala ang hirap ng laban na ilang beses na naantala dahil sa ulan. Gayunman, sinabi niyang nagamit niya ang mga natutunan sa unang bahagi ng laban upang makabawi at dominahin ang huling set.
Ayon kay Eala, mahalaga ang kanyang kakayahang manatiling kalmado at mag-adjust sa kabila ng matataas na tensyon at mga pagkaantala sa laro.
Pinasalamatan din niya ang kanyang mga tagasuporta, lalo na ang komunidad ng mga Pilipino sa Washington, D.C. at ang mga Pilipino sa iba’t ibang panig ng mundo na patuloy na sumusuporta sa kanyang karera.
“Ramdam ko ang napakalaking pagmamahal. Ang unang titulong ito ay isang mahalagang milestone sa aking karera at alam kong hindi ito ang huli,” ani Eala.
Ang panalo sa Mubadala DC Open ay isa na namang malaking hakbang sa mabilis na pag-angat ni Eala sa world tennis at nagpapatibay sa kanyang posisyon bilang isa sa pinakamahuhusay na atleta ng bansa sa kasalukuyan.
