NASAWI ang isang 63-anyos na Amerikanong turista matapos umanong hampasin ng silya sa gitna ng suntukan sa isang bar sa Barangay Tawala, Panglao, Bohol noong Sabado ng gabi, Setyembre 26.
Kinilala ng pulisya ang biktima sa alyas na “Williams,” na pansamantalang nanunuluyan sa isang resort sa nasabing barangay.
Ayon sa Bohol Tourist Police Unit, naganap ang insidente sa Escape Bar sa kahabaan ng Alona dakong alas-11:45 ng gabi matapos makatanggap ng sumbong mula sa isang concerned citizen hinggil sa nagaganap na kaguluhan.
Batay sa paunang imbestigasyon, nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo si Williams at isang 41-anyos na Pilipino na kapwa sinasabing nakainom ng alak.
Nauwi sa suntukan ang pagtatalo hanggang sa umano’y kumuha ng silya ang suspek at hinampas nito si Williams.
Bumagsak at nawalan ng malay ang biktima matapos tamaan, kaya agad itong isinugod sa Governor Celestino Gallares Memorial Medical Center sa Tagbilaran City.
Gayunman, idineklarang dead on arrival si Williams dakong alas-12:20 ng madaling-araw noong Linggo, Setyembre 27.
Samantala, inaresto ng mga rumespondeng pulis ang suspek na nanatili sa lugar matapos ang insidente.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang buong pangyayari at motibo sa likod ng komprontasyon.
