
MALAPIT nang maisabatas ang Anti-POGO Act of 2025 matapos ang masusing imbestigasyon ng Senate Committee on Ways and Means na pinamumunuan ni Senador Win Gatchalian.
Kasunod ito ng pag-apruba ng House of Representatives sa bersyon ng Senado ng panukalang batas, na nagbabawal sa pagtatatag, operasyon, at pagbibigay ng serbisyo na may kaugnayan sa offshore gaming at mga aktibidad ng POGO sa Pilipinas.
Nakapaloob din sa panukala ang pagpapanagot sa sinumang tumulong sa ilegal na pagpasok o paglabas ng bansa ng mga indibidwal o dayuhang sangkot sa POGO gamit ang mga peke o ‘di-wastong mga dokumento ng pagkakakilanlan, kasama na ang travel records.
Kapag naisabatas, magtatatag ito ng isang Administrative Oversight Committee (AOC) na pamumunuan ng Presidential Anti-Organized Crime Commission, na siyang mangunguna sa epektibong pagpapatupad ng batas.
Mula pa noong Oktubre 2022, inaaral na ng Komite ang mga epekto ng POGO sa lipunan at ekonomiya ng bansa, kabilang dito ang mga isyu sa regulasyon at pagpapatupad ng batas.
“Pinagtitibay nito ang utos ng Pangulo na sugpuin na ang mga POGO at huwag na silang papasukin sa bansa,” ani Gatchalian. Ayon sa pinakahuling report ng PAOCC, mahigit 9,000 pang dayuhang sangkot sa POGO ang nananatiling hindi pa nahuhuli.