NATIMBOG ng magkasanib na mga operatiba sa pangunguna ng Criminal Investigation and Detection Group Region 3 (CIDG-3) ang isang lalaking sangkot umano sa iligal na droga at pamamaslang sa mga lalawigan ng Pampanga at Laguna.
Sinabi ni CIDG Region 3 chief Col. Richard Bad-Ang na arestado sa Sta. Cruz, Laguna ay si alyas “Dizon,” 35, ng Bgy. West Triangle, Quezon City.
Ang suspek ay nahuli ng magkasanib na operatiba ng CIDG Nueva Ecija Provincial Field Unit, Angeles City police, Regional Intelligence Unit 3 CIT Angeles, CIDG Angeles CFU, CIDG Laguna. at Sta. Cruz, Laguna police sa Lynville Subdivision sa Bgy.Bakulkul, Sta. Cruz, Laguna.
Sinabi ni Bad-Ang na sangkot ang suspek sa ilang pagpatay at kaso ng droga sa mga lalawigan ng Pampanga at Laguna.
Sa talaan, naaresto si alyas “Dizon” sa mga buy-bust operation sa Santo Angel Sur, Sta. Cruz, Laguna noong Hulyo 23, 2015 at sa Dau, Mabalacat, Pampanga noong Marso 14, 2020.
Habang nakakulong sa Mabalacat police jail facility, dawit ang suspek sa pagpatay sa kasama niyang detainee at sinampahan ng kasong homicide laban sa kanya.
Noong Pebrero 12, 2024, naglabas ang RTC Branch 18 ng Angeles City ng warrant para sa pag-aresto sa suspek para sa homicide. Sa pagkakaaresto, nakuhanan ng shabu at baril ang suspek na nagbunsod sa pagsasampa ng kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition and Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Noong Setyembre 2024, isinampa rin ang kasong murder laban sa akusado matapos siyang masangkot sa pagpatay sa isang Army reservist na umano’y katipan ng kanyang live-in partner sa Angeles City.
Noong Enero 20, 2025, isang warrant para sa pagpatay sa sundalo ang inisyu laban sa suspek ng RTC Branch 56 ng Angeles City.
Ayon kay Bad-Ang, matapos makatanggap ng impormasyon sa kinaroroonan ni alyas “Dizon,” natunton siya ng CIDG Nueva Ecija PFU sa isang subdivision sa Sta. Cruz, Laguna na nagresulta sa pagkakaaresto.
