PUMANAW ang isang kadete ng Philippine army noong Linggo habang sumasailalim sa pagsasanay sa San Jose, Tarlac.
Kinilala ang nasawi na si cadet Ron Jervy Serafin, 23-anyos.
Si Serafin ay isang trainee sa Training Command ng Philippine Army na matatagpuan sa Camp O’Donnell sa Sta. Lucia, Capas, Tarlac.
Sinabi ni Maj. Renato Magcamit, na kasalukuyang nakatalaga sa Training Command Philippine Army, sa pulisya ng San Jose na sumali si Serafin sa Graded Tactical Exercise on Waterborne Operation sa Moriones Dam sa Bgy. Moriones, San Jose, Tarlac.
Pagkatapos isagawa ang aktibidad ng combat swimming (pack wrapped), ang kadete ay bumagsak ilang metro ang layo pagkatapos marating ang dulo ng combat swimming lane.
Ang Army nurse on site ay agad na nagbigay ng paunang lunas bago ang kadete ay dinala sa Camp O’Donnell Medical Treatment Facility at kalaunan ay inilipat sa Capas Medical Center sa Capas, Tarlac, kung saan siya ay idineklara na dead on arrival.
Isinasagawa na ang autopsy sa biktima upang matukoy ang sanhi ng kanyang pagkamatay.