MULING naudlot ang arraignment ni Vice President Sara Duterte sa tatlong bilang ng kasong grave threats matapos ipagpaliban ng Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 98 ang pagdinig nitong Biyernes, Oktubre 9.
Kinumpirma ito ng abogado ng bise presidente na si Atty. Paul Lawrence Lim matapos personal na humarap sa korte si Duterte.
Ito na ang ikalawang pagpapaliban sa arraignment na unang itinakda noong Setyembre 11 bago inilipat sa Oktubre 9.
Ayon kay Lim, pinag-aaralan pa ng hukuman ang mosyon ng kampo ni Duterte para sa partial reconsideration ad cautelam at ang nakabinbing petisyon nitong certiorari sa Korte Suprema.
Dahil dito, minabuti umano ng presiding judge na suriin muna ang mga legal na usapin bago magtakda ng panibagong petsa ng arraignment.
Nag-ugat ang kaso sa mga pahayag ni Duterte sa isang online press conference noong Nobyembre 2024. Inamin umano niyang kumuha siya ng hitman upang puntiryahin sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez sakaling siya ay mapatay.
Itinanggi ng bise presidente ang mga alegasyon laban sa kanya.
Paglabas ng korte, nagpasalamat si Duterte sa kanyang mga tagasuporta at legal team sa patuloy na pagtitiwala at pagtatanggol sa kanya.
Inihain ng Department of Justice (DOJ) ang mga kaso noong Agosto matapos matanggap ang reklamong ini-refer ng National Bureau of Investigation (NBI).
Wala pang itinakdang bagong petsa para sa arraignment habang hinihintay ang aksiyon ng hukuman sa mga nakabinbing mosyon at petisyon.
In photo: Si Vice President Sara Duterte habang nagbibigay ng pahayag sa media matapos muling ipagpaliban ang kanyang arraignment sa QC Hall of Justice.
