DALAWANG katao ang nasagip habang dalawa pa ang patuloy na hinahanap matapos matabunan ng gumuhong lupa ang isang pamilya sa Sitio Kandarong Riverside, Barangay Pulangbato, Cebu City, nitong Biyernes ng umaga, Oktubre 9.
Ayon sa Cebu City Disaster Risk Reduction and Management Office (CCDRRMO), edad 60, 38, 6 at 5 taong gulang ang mga biktima na magkakasama sa isang bahay nang mangyari ang landslide bunsod ng malakas na pag-ulan.
Agad na isinugod sa ospital ang dalawang nasagip upang malapatan ng lunas, habang nagpapatuloy ang search and rescue operations para mahanap ang dalawa pang nawawala.
Nahihirapan naman ang mga rescuer na magsagawa ng paghuhukay dahil sa walang tigil na pag-ulan at patuloy na paggalaw ng lupa, na nagdudulot ng panganib sa kanilang operasyon.
Bulubundukin ang Barangay Pulangbato at kabilang sa mga lugar na lantad sa landslide tuwing nakararanas ng malakas na pag-ulan.
