LIGTAS na ang isang babaeng hinostage matapos ang maingat na negosasyon ng mga awtoridad sa Orion, Bataan noong Mayo 19, 2026.
Batay sa ulat, agad na rumesponde ang mga pulis ng Orion Municipal Police Station matapos makatanggap ng tawag mula sa barangay hinggil sa isang lalaking armado ng patalim na umano’y nagbihag sa kanyang asawa sa loob ng kanilang bahay.
Pagdating ng mga pulis sa lugar, nadatnan ang suspek na hawak sa leeg ang biktima habang tinututukan ng kutsilyo at nagbabanta umano na sasaktan ang biktima.
Sa kabila ng tensyonadong sitwasyon, nanatiling kalmado at maingat ang mga awtoridad upang matiyak ang kaligtasan ng biktima at maiwasan ang anumang kapahamakan.
Pinangunahan nina PCOL Maritess A. Salvadora, Provincial Director ng Bataan PPO, at PMAJ Madtaib M. Jalman, Chief of Police ng Orion MPS, ang negosasyon sa suspek. Sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na pakikipag-usap at mahinahong paghawak sa sitwasyon, boluntaryong sumuko ang suspek at walang sinuman ang nasaktan.
Narekober sa lugar ang isang kitchen knife at isang gunting na may matulis na dulo na ginamit umano ng suspek sa pananakot sa biktima.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Orion MPS ang suspek habang inihahanda ang kasong Hostage Taking sa ilalim ng Article 267 ng Revised Penal Code at paglabag sa RA 9262 o Violence Against Women and Their Children Act. Samantala, isinailalim naman sa medico-legal examination at counseling assistance ang biktima sa tulong ng kinauukulang ahensya.
