APAT na hinihinalang miyembro ng bagong sibol na robbery group ang nalansag at naaresto ng Police Regional Office 3 (PRO 3) matapos makumpiska sa kanila ang pitong baril at isang granada sa magkahiwalay na operasyon sa Castillejos, Zambales.
Ayon kay PRO 3 Director Police Brig. Gen. Jess Mendez, tinarget ng pulisya ang grupo na pinaniniwalaang kumikilos sa Bataan, Olongapo City at Zambales.
Isinagawa ang operasyon nitong Martes, Setyembre 29, nang salakayin ng mga awtoridad ang pinagkukutaan ng mga suspek sa Barangay Balaybay, Castillejos.
Dalawang suspek ang unang naaresto matapos ipatupad ang search warrant, kung saan tatlong baril at isang hand grenade ang narekober.
Sa follow-up operation, dalawa pang hinihinalang miyembro ng grupo ang nadakip at apat pang baril ang nakumpiska.
Sa kabuuan, apat ang naaresto, pitong baril at isang granada ang nasamsam sa serye ng operasyon.
“We were targeting an emerging robbery group operating in Bataan, Olongapo and Zambales,” ani Mendez.
Ayon sa opisyal, sangkot umano ang grupo sa tatlong magkahiwalay na insidente ng armadong pagnanakaw—isa sa Bataan at dalawa sa Zambales.
Batay sa intelligence gathering ng pulisya, nagsimula umano ang grupo sa mga maliliit na krimen gaya ng snatching at panghoholdap sa mga lansangan bago umano lumawak ang kanilang operasyon.
Gayunman, sa pamamagitan ng intelligence-driven police operation, unti-unting natukoy at nadakip ang mga hinihinalang miyembro ng grupo.
Nagbabala naman si Mendez sa mga nagbabalak bumuo ng criminal group na hindi magtatagal ang kanilang operasyon dahil agad silang tutugisin at pananagutin ng batas.
“Hindi kayo magtatagumpay. Tutuldukan natin agad ang inyong paghahasik ng krimen,” mensahe ng opisyal sa mga kriminal.
