SA hangaring tiyaking ligtas at pasok sa pamantayan ng pamahalaan ang mga isinusulong na pagawaing bayan, magkasamang ininspeksyon ng Toll Regulatory Board (TRB) kasama ang mga kinatawan ng MPCALA Holdings Inc., ang 14-kilometrong bahagi ng Cavite-Laguna Expressway (CALAX).
Kabilang sa mga sinuri ng TRB inspectorate team na kinabibilangan nina TRB Officer-in Charge Josephine Turbolencia, Regulation Division chief Julita Bingco, Deputy Chief ng Regulation Division Joz Carlos Ordillano, at Spokesperson Julius Corpuz, ang mga “technological features” ng expressway, safety at security features, toll plaza operations, kabilang ang Automatic License Plate Recognition (ALPR) cameras, at ang RFID system.
Binisita rin ng TRB ang progreso ng Silang (Aguinaldo) Interchange na nananatiling nakabinbin dahil sa isyu ng right-of-way na kritikal sa pagtapos ng proyekto. Oras na mabuksan ito sa motorista, aabot lamang sa 20 minuto ang biyahe mula sa nabanggit na interchange patungo sa Tagaytay, Cavite, ang second summer capital ng bansa, via Aguinaldo Highway.
Ayon sa MPCALA, puspusan ang pagtutok ng kanilang government partner na Department of Public Works and Highways (DPWH) sa pagresolba sa isyu ng right-of-way.
“While we work closely with our grantor, DPWH to fast-track delivery of right-of-way, especially in the critical area in Silang, we continue to do construction work on areas where right of way has already been granted so as not to further delay the project,” ani MPCALA President Mr. Raul Ignacio.
Sa ngayon, umabot na sa 65% ang construction progress ng Subsection 4 o ang Silang (Aguinaldo) Interchange habang nasa 54% naman sa buong CALAX project. Ang bagong interchange ay kukonekta sa Aguinaldo Highway sa Silang, Cavite, at makatutulong para ma decongest ang mga local roads at highways sa probinsya ng Cavite at Laguna.
Ang CALAX ay hahaba ng 45-kilometers at durugtong sa CAVITEX. Sa kasalukuyan, ang operating segments nito ay nagsisimula sa Mamplasan sa Binan, at may interchanges sa Laguna Technopark, Laguna Boulevard, Santa Rosa-Tagaytay Road, at Silang East.