PINAGBABARIL ng isang lalaking nakamaskara ang bahay ng isang kalihim ng bayan sa Palauig, Zambales noong Lunes ng gabi.
Base sa ulat ng Zambales police natukoy ang may-ari ng bahay na si Glen Elayda, 59, ng Bgy. Salaza, Palauig, Zambales.
Si Elayda ang municipal secretary ng mayor ng Masinloc, Zambales.
Sa inisyal na imbestigasyon, nangyari ang insidente dakong alas-10 ng gabi. noong Lunes.
Nasa loob ng bahay ang biktima at ang kanyang pamilya nang makarinig sila ng sunud-sunod na putok ng baril sa labas ngunit hindi nila ito pinansin at sa halip ay natulog.
Nang magising ang pamilya kinabukasan, nakita nilang tinamaan ng maraming bala ang pangunahing pinto, dahilan para iulat nila ang bagay sa pulisya.
Sinabi ng isang kapitbahay sa pulisya na nakita niya ang isang lalaki na nakasuot ng full mask sa isang motorsiklo na huminto sa harap ng bahay ng mga Elayda at nagpaputok ng ilang beses sa gate bago mabilis na umalis.
Narekober sa lugar ang walong basyo ng isang cal. .45 na baril at isang sulat na may itim na laso.
Sinusuri ng pulisya ang kuha ng CCTV sa lugar para makilala at maaresto ang gunman.
