MANILA — Nagbabala si dating Surigao del Norte Rep. Ace Barbers sa publiko, lalo na sa mga homeowner, contractor, developer at hardware supplier, laban sa pagbili at paggamit ng umano’y substandard na steel bars na ginawa ng Davao Mighty Steel Corporation (DMSC).
Kasunod ito ng operasyon ng mga awtoridad sa planta ng DMSC sa Barangay Ilang, Bunawan District, Davao City nitong Biyernes, kung saan iniulat na 10 Chinese nationals ang inaresto at mahigit 100 Pilipinong manggagawa ang nasagip matapos umanong malantad sa mapanganib na radioactive materials.
Ayon kay Barbers, dapat tiyakin ng lahat ng gumagamit at nagbebenta ng construction materials na ang mga bakal ay pumapasa sa Philippine standards bago gamitin sa mga bahay, gusali, tulay, paaralan, ospital at iba pang imprastraktura.
“Steel is not an ordinary commodity. It is the backbone of buildings, bridges, schools, hospitals, and other critical infrastructure.”
Binigyang-diin ni Barbers na kung mapatutunayan sa siyentipikong pagsusuri at tamang proseso ang mga alegasyon, maaaring mas malawak pa sa substandard na bakal ang isyu.
Kabilang sa iniimbestigahan umano ang radioactive contamination, environmental violations, labor at immigration issues, customs concerns, at posibleng pagpasok sa merkado ng hindi ligtas na steel products.
“Kung mapatutunayan ang mga alegasyon, hindi lang ito usapin ng depektibong construction materials,” ani Barbers.
Aniya, kailangang malaman kung may unsafe steel products na nakapasok sa merkado, gaano katagal itong naipamahagi at kung may mga safeguard na nalusutan.
Itinuro rin ni Barbers ang pagkakatulad ng DMSC sa Philippine Sanjia Steel Corporation (PSSC) na ni-raid noon sa PHIVIDEC Industrial Estate sa Tagoloan, Misamis Oriental.
Parehong gumagamit umano ang mga kompanya ng electric arc furnace technology, local at imported scrap metal, Chinese technical personnel at gumagawa ng reinforcing steel bars para sa domestic construction industry.
Dahil dito, sinabi ni Barbers na kailangang alamin kung magkakahiwalay lamang na insidente ang mga kaso o bahagi ng mas malawak na problema sa steel industry.
Hinimok ni Barbers ang NBI, PAOCC, Philippine Nuclear Research Institute, Department of Trade and Industry, Department of Labor and Employment at iba pang ahensya na magtulungan sa masusing imbestigasyon.
Kasabay nito, pinaalalahanan niya ang contractors, developers, suppliers at government procuring entities na beripikahin muna ang kalidad at compliance ng mga bakal bago bilhin o gamitin.
Binigyang-diin din ni Barbers na dapat manatiling patas at nakabatay sa ebidensiya ang imbestigasyon.
Ang mga inaresto ay may karapatang maprotektahan ng batas at ituring na inosente hangga’t walang hatol na naggagawad ng pananagutan, aniya.
“Ang tibay ng ating mga gusali ay nagsisimula sa kalidad ng bakal na ginagamit dito. Ang kaligtasan ng buhay ay dapat laging higit sa kita,” pahayag ni Barbers.
