SIYAM na crew members ang ligtas na nasagip matapos sumadsad ang tugboat na SL SUAL 1 sa baybayin ng Barangay Bangan, Botolan, Zambales nitong Biyernes ng umaga.
Ayon sa paunang imbestigasyon, nagkaroon ng butas ang hull o katawan ng tugboat habang naglalayag kaya napilitang idiretso ng mga tripulante ang sasakyan-dagat sa mababaw na bahagi upang hindi tuluyang lumubog.
Ligtas na nailikas ang lahat ng siyam na crew at iniulat na nasa maayos na kondisyon.
Agad na rumesponde ang Botolan Response Team sa pangunguna ni Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) chief Andy Divino, katuwang ang Philippine Coast Guard (PCG) Botolan at mga lokal na mangingisda mula Porac.
Patuloy namang mino-monitor ng mga awtoridad ang tugboat habang sinusuri ang lawak ng pinsala at tinitiyak na walang pagtagas o banta sa kapaligiran.
Samantala, muling nagpaalala ang mga disaster officials sa mga residente, partikular sa mga nakatira sa coastal communities, na iwasan muna ang hindi kailangang paglalayag at iba pang aktibidad sa tubig habang nananatili ang masamang lagay ng panahon.
