
APAT na tao ang naaresto sa raid, kabilang ang manager ng warehouse, dalawang caser at isang inventory officer nang salakayin ng National Bureau of Investigation (NBI)agents ang isang bodega sa Bocaue, Bulacan na umano’y nagho-hoard at nagbebenta ng luma at imported na bigas nitong Lunes ng gabi.
Ang imported na bigas ay natagpuang nakaimbak ng hindi bababa sa dalawang taon at nire-repack bilang premium-grade grain.
Bukod sa imported na bigas, nakita rin sa bodega ang mga kagamitang ginagamit sa paghahalo ng mga varieties at artificial fragrance para lumabas ang bigas bilang de-kalidad na bigas.
Base sa imbestigasyon, ang lumang bigas ay hinalo at ni-repack at ibinebenta bilang bago.
“Pinaghalu-halo nila ‘yung variety ng bigas tapos lalagyan ng konting pabango, pandan, ipa-pass on na nila as mamahalin bigas. Class A na bigas. Niloloko ang ating mamamayan,” sabi ni NBI Director Jaime Santiago .
“Puro alikabok na, puro ano na ‘yung sako. Clear manifestation of hoarding,” sabi pa nito.
“Napakadelikado niyan. Hindi natin alam kung safe pa kainin ng tao, o para sa baboy nalang,” .
Hindi naman natagpuan ang may-ari nang salakayin ang bodega.
Sinabi ng NBI na ang mga natuklasang bigas ay inangkat mula sa Vietnam, Pakistan at India.
Nakatakdang sampahan ng kaso, kabilang ang economic sabotage, laban sa mga naarestong suspek at sa may-ari ng warehouse, ayon kay Santiago.
Ang operasyon ay inilunsad pagkatapos ng ilang buwan ng pagmamanman sa bodega.