SA naganap na plenary deliberation sa budget ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), idiniin ni OFW Party List Representative Marissa “Del Mar” Magsino ang kakulangan ng pondong inilaan para sa Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Housing (4PH) Program kung saan nakapaloob ang Pambansang Pabahay para sa mga OFW.
Sa kanyang interpelasyon, hinimay ni Rep. Marissa “Del Mar” Magsino ang target ng DHSUD sa socialized, low-cost at 4PH housing. Ang housing production targets para sa 2024 ng DHSUD ay 232,079 units subalit halos 12,111 pa lamang ang naitatayo.
“Mabagal ang usad ng programang pabahay dahil hindi sapat ang pondo upang suportahan ang mga housing projects. Sa budget ng DHSUD at mga attached agencies nito, nakikita natin na kulang ang pondo nila sa financing at sa pondo sa pagpapatayo ng mga bahay.”, ani ni Rep. Magsino.
Ipinunto rin ni Rep. Magsino ang patuloy na pagbaba ng subsidy ng gobyerno para sa Social Housing Finance (SHFC) mula P316.51 milyon noong 2023, P212.89 milyon ngayong 2024, at P121.03 milyon na lamang para sa 2025.
Ito ang natatanggap na subsidy ng SHFC mula sa National Government bilang suporta sa financing programs nito para sa socialized housing sa pamamagitan ng “Community Mortgage Program at Housing Program for Informal Settler Families Residing in Danger Areas sa Metro Manila.” Isa sa mga ahensya ng pamahalaan na may mandato na mag-implement ng socialized housing financing programs ang SHFC.
“Alam natin na isa sa mahalagang aspeto ng proyektong pabahay ng pamahalaan para sa mga vulnerable sectors ng ating lipunan, lalo ng ating OFWs, ay ang aspetong financing. Malinaw na ang pondong ibinibigay sa SHFC para dito ay kulang na kulang. Hinihimok ko ang pagsuporta ng ating sponsor at ng buong Kapulungan na sana ay madagdagan ang pondo ng SHFC para sa Community Mortgage Program nito sa period of amendment.” sabi ni Rep. Magsino.
Sa pagtatapos ng kanyang interpelasyon, sinabi ni Rep. Magsino na sa kabila ng kanyang dismaya sa mabagal na usad ng 4PH ay sumusuporta pa rin sya sa proposed budget ng DHSUD na P3.56 billion dahil nakasalalay dito ang Pambansang Pabahay para sa mga OFW na kasunduang pinirmahan ng DHSUD at OFW Party List noong April 2023.
“Marami sa ating mga OFWs at kanilang mga pamilya ang hindi nabibiyayaan ng pagkakataon na magkaroon ng sariling bubong kung saan sila manunuluyan. Kaya nga’t masigasig ang OFW Party List sa pakikipag-ugnayan sa DHSUD para sa matagumpay na implementasyon ng 4PH na programa ng pamahalaan, kaakibat ng programang Pabahay para sa mga OFWs. Dahil dito, sinusuportahan ko ang pagpasa ng mungkahing budget ng DHSUD para sa 2025 at kalakip ang pag-asa na maisasakatuparan ng ahensya ang mga programa nito sa pagtugon sa pangangailangan para sa disenteng at abot-kayang pabahay para sa ating mga mamamayan, lalo na sa ating mga OFWs at kanilang pamilya. ” saad ni Rep. Magsino
