PINAG-AARALAN ng Department of Science and Technology (DOST) ang posibilidad na maisama ang Philippine Carabao Mango sa mga pagkaing dadalhin ng mga astronaut sa mga susunod na misyon sa kalawakan.
Ayon kay Gina Abrera ng DOST-Philippine Nuclear Research Institute (PNRI), na namumuno sa Philippine Space Mango Program (PSMP), layunin ng proyekto na maihanda ang manggang carabao bilang produktong maaaring dalhin sa kalawakan at magsilbing sagisag ng kulturang Pilipino.
Sinabi ni Abrera na nais ng pangkat na makabuo ng pagkaing kayang dalhin sa malalayong lugar, magpakilala sa mga produktong Pilipino at magpaalala sa mga astronaut ng kanilang sariling bayan habang nasa kalawakan.
Ayon sa DOST, target ng Pilipinas na maipadala ang kauna-unahang Pilipinong astronaut sa kalawakan pagsapit ng 2035.
Dahil dito, pinag-aaralan ng mga mananaliksik kung paano mapoproseso ang manggang carabao upang maging angkop na pagkain para sa mga astronaut sa mahahabang misyon sa kalawakan.
Pinagtutulungang isulong ang Philippine Space Mango Program ng PNRI, University of the Philippines-Diliman, Philippine Space Agency at Batangas Mango High Value Growers Agriculture Cooperative.
Bukod sa potensiyal nitong magamit sa mga paglalakbay sa kalawakan, layunin din ng programa na makabuo ng mga produktong pagkain na maaaring magamit sa panahon ng mga emergency at kalamidad.
Sa pamamagitan ng proyekto, inaasahang mapalalawak ang paggamit sa manggang carabao at maipakilala ang produktong Pilipino sa mga makabagong larangan, kabilang ang pananaliksik at eksplorasyon sa kalawakan.
