PANABO CITY, Davao del Norte — Hindi na nakapalag ang driver at pasahero ng isang itim na Toyota Hilux matapos silang pagbabarilin ng riding-in-tandem habang nagpapagasolina sa isang gasolinahan sa Barangay Nanyo, Biyernes ng hapon.
Kapwa nasawi sa insidente ang dalawang lalaki na tinatayang nasa edad 40 ang driver at nasa edad 50 naman ang pasahero.
Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, pasado alas-1 ng hapon nang maganap ang pamamaril sa naturang gasolinahan.
Nagpapakarga pa lamang umano ng gasolina ang mga biktima nang biglang sumulpot ang isa sa dalawang sakay ng motorsiklo at pinagbabaril sila.
Matapos ang sunod-sunod na putok, mabilis na tumakas ang mga suspek sakay ng motorsiklo.
Kapwa nalagutan ng hininga sa lugar ang mga biktima dahil sa mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan.
Patuloy namang nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin at malaman ang motibo sa likod ng pamamaslang.
