May 22, 2024

The Insider News

Direct from the source

Dagdag barkopinadala ng China sa WPS

Ni Crema Limpin

Photo from PCG

KINUMPIRMA ng Philippine Guard Coast (PCG) na pinalibutan ng mga barkong Tsino ang Ayungin Shoal sa lalawigan ng Zambales makaraan ang huling pambabarako ng Chinese Coast Guard sa mga sundalong pinoy na bahagi ng supply mission sa mga kabarong nakahimpil sa West Philippine Sea,

Ayon sa PCG, namataan ang Chinese militia vessels nang mahagip ang larawan ng mga barko sa isinagawang Maritime Domain Awareness Flight sa mga bahura ng Ayungin at Sabina, na kapwa pasok sa exclusive economic zone ng bansa.

Sa isang pahayag, inalmahan din ng National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS) ang paulit-ulit na mensaheng di umano’y pinadala ng Chinese Coast Guard sa piloto ng PCG Cessna Caravan 2081 habang lumilipad sa ibabaw ng karagatan malapit sa Sabina Shoal.

Gayunpaman, nanindigan ang piloto na ang isinasagang pagpapatrolya ay nasa loob ng teritoryong sakop ng Pilipinas.

Kamakailan lang, tinuligsa ng pamahalaan ang paggamit ng Chinese Coast Guard ng military-grade laser na nagdulot ng pansamantalang pagkabulag ng mga sundalong PInoy na naglalayag sa West Philippine Sea para maghatid ng gamot at pagkain sa mga Pilipinong lulan ng BRP Sierra Madre na nagsisilbing himpilan ng mga bantay-dagat ng Pilipinas.

Sa datos ng NTF-WPS, kabilang sa mga namataan ang CCG vessel 5205 na itinuturong barko nanutok ng military-grade laser sa mga sundalong Pinoy na lulan ng BRP Malapascua noong Pebrero 8. Naroon din anila ang CCG 5304 ang 24 pang barko ng bansang China.

Sa ilalim ng administrasyong Marcos, umabot na sa 76 diplomatic protests ang inihain ng Department of Foreign Affairs (DFA).