IMINUNGKAHI ni Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Huwebes ng gabi ang isang “eksperimento” na layong maiwasan ang pag-uulit ng katiwaliang nagresulta sa pagkakabaluktot ng 2025 national budget dahil sa congressional insertions at realignments.
Para sa 2026 budget, iminungkahi ni Lacson na i-adopt ng Senado nang buo ang National Expenditure Program (NEP), sa paniwalang masusing sinuri na ito ng Executive Department.
“Pwedeng for a change, ang Senate i-adopt na natin ang NEP, madali pa trabaho natin para everything is on the executive. Pag nagkaloko-loko ang implementation ng project sa 2026, kasalanan na ng executive,” aniya sa isang panayam sa DZRH radio.
“At least kung nasa NEP I’m sure napagaralan na maski papano ng implementing agencies kasi sila ang magsa-submit,” dagdag pa niya.
Sinabi ni Lacson na ikinokonsidera niyang isulong ang panukalang pag-adopt ng NEP sa briefing ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) sa mga darating na linggo.
Binigyang-diin niya na maaaring parehong i-adopt ng Senado at Kamara ang NEP, at sabay na bantayan ang implementasyon ng mga proyekto.
Taon-taon, paulit-ulit nang tinutuligsa ni Lacson ang mga kuwestiyonableng insertions at realignments ng parehong kapulungan ng Kongreso sa budget bill.
“Parang experiment lang isang taon lang. Kung hindi success, e di balik tayo sa realignment,” dagdag pa niya.
