BUMULAGTA at nasawi ang isang 40-anyos na lalaki matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa White Road, Barangay Inayawan, Cebu City, madaling-araw nitong Miyerkules, Setyembre 9.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Daniel Mondego, residente ng naturang barangay.
Batay sa imbestigasyon ng Inayawan Police Station, dakong alas-4 ng madaling-araw nang utusan umano si Mondego ng kanyang tiyahin na si Gloria na ayusin ang sirang tubo ng tubig sa kanilang lugar.
Matapos ang pagkukumpuni, umalis umano ang biktima sa kanilang bahay kasama ang isang babaeng hindi pa nakikilala.
Makalipas ang mahigit isang oras, pasado alas-5 ng madaling-araw, nakatanggap ang pamilya ng balitang binaril si Mondego malapit sa dating dumpsite sa Barangay Inayawan.
Nagtamo ang biktima ng mga tama ng bala sa ulo at iba’t ibang bahagi ng katawan. Agad siyang isinugod sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival ng mga doktor.
Inaalam ngayon ng pulisya ang motibo sa krimen, kabilang ang posibilidad na may kaugnayan ito sa ilegal na droga.
Ayon sa imbestigasyon, ilang ulit na umanong nakulong si Mondego dahil sa mga kasong may kaugnayan sa illegal drug activities.
Patuloy ang pagtugis sa hindi pa nakikilalang gunman habang inaalam din ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng babaeng huling nakasama ng biktima.
