
ISANG dating Overseas Filipino Worker (OFW) sa Taiwan ang naaresto matapos kunin ang walong kilo ng imported na shabu na nagkakahalaga ng P55,200,000 sa Bgy. Hugo Perez, Trece Martires, Cavite.
Kinilala ng PDEA Pampanga ang suspek bilang si Michael Florendo, 36, ng Golden Horizon Courtyards, Bgy. Hugo Perezon, Trece Martires.
Ayon sa mga operatiba ang pakete na naglalaman ng shabu ay dumating sa Port of Clark noong Disyembre 17, 2023 na kinuha ni Florendo noong Martes.
“Ang mga paketeng naglalaman ng ilegal na droga ay nagmula sa Long Beach, California, USA, at itinalaga kay Florendo. Ang pag-iskubre ng bawal na kalakal ay nagtulak sa amin na simulan ang isang controlled delivery operation,” ani ng PDEA.
Ang operasyon ay isinagawa ng mga pinagsanib na puwersa ng PDEA Pampanga Provincial Office, PDEA Clark AIU, PDEA ICFAS, Bureau of Customs (BOC) Port of Clark, PDEA Cavite PO, at ang lokal na pulisya.
Si Florendo, na ngayon ay nakapiit sa PDEA-3 jail facility sa City of San Fernando, Pampanga, ay haharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.