HULI sa magkahiwalay na buy bust operation ang apat katao na nagbebenta ng mga illegal na droga sa lalawigan ng Rizal .
Sa ulat ni Rizal Police Provincial Director, Police Colonel Dominic Baccay kay Calabarzon Regional Director Police Brigadier General Antonio Yarra, natimbog sa unang operasyon ng mga otoridad ang dalawang suspek na sina Dennis Longganaya, 23, at Janz Abalos, 24, bandang alas 10:45 ng gabi ng Lunes sa kahabaan ng Sumulong Highway, Brgy. Mayamot, Antipolo City.
Kumpiskado ang 3 heat-sealed transparent plastic sachets na hinihinalang shabu na may bigat na 53 gramo na nagkakahalaga ng P360,400.
Sa sumunod na operasyon nitong araw ng Martes ng madaling araw sa naaresto naman sina Reynante Romero, 26, at Nino Felipe, 21, ng Dimson St. Purok-2 Zone-8, Brgy. Cupang, Antipolo City makaraang magpanggap ang isang operatiba ng pulisya na bibili ng illegal na droga sa mga suspek.
Nahalughog ang 16 pirasong plastic cling wrap na mga tuyong dahon ng marijuana na may bigat na 2 1/2 kilo na P250,000 ang halaga.
Dadalhin sa forensic unit upang suriin sa laboratory ang mga ebidensyang nakumpisa sa mga suspek.