Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez delivers his message during the adjournment of sessions at the plenary of the House of Representatives Wednesday evening (Sept. 25, 2024). He said that the House of the people has demonstrated their tireless efforts to strengthen the Philippine economy, broaden the range of public service and reinforce the nation’s trust in our governance.
Pahayag ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez
BILANG Speaker, nauunawaan ko ang mga sentimyento ng ilang kasamahan ko sa Kongreso tungkol sa hindi pagdalo ni Vice President Sara Duterte sa mga deliberasyon ng plenaryo para sa badyet ng kanyang tanggapan.
Tatlong beses siyang inanyayahan, ngunit hindi siya sumipot. Bilang mga kinatawan ng sambayanan, umaasa kami na tutuparin ng lahat ng opisyal ng gobyerno ang kanilang mga tungkulin, lalo na kung ang usapan ay tungkol sa pambansang badyet.
May ilang miyembro ng Kongreso na nagmungkahi na bawasan pa ang badyet ng Office of the Vice President, at ang iba pa ay nagpanukala na gawing zero ang pondo ng tanggapan dahil sa kanyang hindi pagsipot.
Ngunit tinanggihan ko ang mga mungkahing ito. Naiintindihan ko ang mga pagkadismaya, pero naniniwala ako na mahalaga pa ring magkaroon ng sapat na badyet ang Office of the Vice President para magpatuloy sa paglilingkod sa ating mga kababayan.
Kung tatanggalin natin ang pondo, wala ring pakinabang ang mga mamamayan, lalo na ang mga umaasa sa serbisyo ng opisina.
Kaya naman, alinsunod sa ating konsultasyon ngayong hapon sa mga lider ng partido pulitikal mula sa Nacionalista Party (NP), Nationalist People’s Coalition (NPC), National Unity Party (NUP), Party-list Coalition Foundation, Inc., at iba pa, aming sinunod ang rekomendasyon ng Committee on Appropriations matapos ang kanilang masusing pagrepaso.
Ang magiging badyet para sa OVP ay P733 milyon na halos kapareho ng badyet noong panahon ni Vice President Leni Robredo.
Kasama na dito ang P30 milyon na makakatulong sa pagharap ng OVP sa epekto ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Ang ilan sa mga pondo na orihinal na hiningi ng OVP ay ilalagay sa mas angkop na mga ahensya tulad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Health (DOH). This will rationalize the budget of the OVP.
Maaaring mag-refer si Vice President Duterte ng mga taong lumalapit sa kanyang tanggapan para sa kaukulang tulong sa nasabing mga ahensya.
Sa huli, mahalaga ang patuloy na serbisyo para sa kapakanan ng ating mga kababayan, at kailangan ng mga tanggapan katulad ng OVP ang sapat na pondo upang magawa ito.
Bagaman inaasahan natin ang pananagutan at pakikilahok, mahalaga rin na tiyakin na magpapatuloy ang serbisyo-publiko para sa ikabubuti ng lahat.