KINANDADO ng Department of Migrant Workers (DMW) ang isang language training center sa Cavite dahil sa ilegal na pagre-recruit ng mga manggagawa patungong Germany nang walang kaukulang lisensya mula sa gobyerno.
Sinabi ni Assistant Secretary Francis Ron de Guzman, kasama ang Migrant Workers Protection Bureau (MWPB) ng DMW, sa koordinasyon ng Municipality of Silang at lokal na pulisya, ay pinasara sa opisina ng Volant Academy for Language Excellence, Inc. sa Brgy. Lumil, Silang, Cavite.
Ang mga surveillance operations na isinagawa ng DMW-MWPB sa Volant natuklasang ilegal na nagre-recruit ng kanilang mga estudyanteng nag-aaral ng wika patungong Germany bilang mga nurse/caregiver, auto mechanics, baker, butcher, restaurant specialists, at security specialists na may pangakong PHP 60,000 buwanang sahod.
Kinakailangan ng mga aplikante na sumailalim sa Dual Training Program, na pinagsasama ang vocational training at on-the-job training para sa isang kumpanya at kailangan muna nilang pumasa sa German language levels A1 hanggang B2 training at praktikal na pagsasanay sa trabaho sa loob ng walong buwan.
Pangako ng Volant sa kanilang mga trainee ang full-time na trabaho sa Germany, kapalit ng PHP 515,900 para sa processing fee, language training fee, at praktikal na job training fees. Gamit ang student visas. Ang mga aplikante ay ipapadala sa Germany at magtatrabaho ng part-time para sa kanilang mga employer habang nag-aaral din.
Inamin ng Volant na nakapag-deploy sila ng halos 200 estudyante patungong Germany.
Hinimok ng DMW ang iba pang aplikante na naging biktima ng ilegal na gawain ng Volant na makipag-ugnayan sa MWPB para sa pagsasampa ng mga kaso. Maaaring makontak ang MWPB sa kanilang Facebook page na https://www.facebook.com/dmwairtip at sa kanilang email na mwpb@dmw.gov.ph.
