NANINIWALA ang self-confessed drug lord na si Kerwin Espinosa na si dating Pangulong Rodrigo Duterte ang nag-utos na patayin ang kanyang tatay na si Albuera Mayor Rolando Espinosa habang ito ay nasa loob ng kulungan noong 2016.
Sa ikawalong pagdinig ng House Quad Committee, tinanong ni Manila 6th District Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr. si Espinosa kung sino sa palagay nito ang nagpapatay sa kanyang ama.
“Palagay mo, sino ang nag-utos para ipapatay ang papa mo?” tanong ni Abante.
Sagot naman ni Espinosa, “Tayong mga Pilipino, nakita natin sa TV na ang dating presidente nagsasabi na patayin niya lahat ng mga nasa narco-list. So pagkaintindi ko, siya talaga ang nag-utos na patayin ang papa ko.”
Sunod na tanong ni Abante, “So naniniwala ka na ang dating pangulo ang nag-utos na ipapatay ang iyong tatay?”
Sagot ni Espinosa “Opo Mr. Chair.”
Iniugnay sa bentahan ng iligal na droga si Mayor Espinosa na pinaslang sa isang operasyon ng pulis sa loob ng kulungan noong Nobyembre 5, 2016. Sumuko si Mayor Espinosa matapos na magbanta si Duterte na magiging target ito kung hindi susuko.
Ayon kay Espinosa ang kanilang pamilya ay biktima ng extrajudicial killing (EJK) at pinilit at tinakot umano siya ni dating PNP chief at ngayon ay Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa upang isabit si dating Sen. Leila de Lima sa kalakalan ng droga.
“Sinabihan ako ni Bato na may basbas ‘yan sa taas at ang ibig sabihin nito ay alam ito ni Presidente Rodrigo Duterte,” sabi ni Espinosa sa apat na pahinang sworn affidavit na binasa nito sa pagdinig.
Direktang tinanong ni Abante si Espinosa kung si Dela Rosa ang nag-utos at nagsabi sa kanya kung ano ang sasabihin nito sa Senado.
“Exactly your Honor, siya talaga ang nag-utos sa akin at nagplano kung ano ang mga sasabihin ko sa Senado,” sabi ni Espinosa.
Sunod na tanong ni Abante kung sino kaya ang nag-utos kay Dela Rosa.
“Ang nakakataas kay Gen. Bato, sa palagay ko, sa aking pagka-intindi, walang iba kung hindi presidente na lang ang pinaka-mataas na pwedeng mag-utos sa kanya,” paliwanag ni Espinosa.
Sinabi ni Espinosa na inabuso ng mga pulis ang kanilang kapangyarihan at itrinato ang mga drug suspek na parang mga hayop.
“Inabuso ang kanilang uniporme… parang mga hayop na lang ang tingin nila sa mga drug-related,” sabi ni Espinosa.
Ganito rin ang isinagot ni Espinosa sa pagtatanong ni Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel.
Bagamat hindi umano direktang sinabi ni Dela Rosa na si Duterte ang nagpapatay sa kanyang ama, sinabi umano nito na mayroong basbas ito mula sa taas.
“Ayon sa sarili kong pagkaintindi, galing kay Chief PNP at kung sino pa ang mas mataas na level kay Chief PNP, doon galing kay Presidente,” ani Espinosa.
Sinabi ni Espinosa na paulit-ulit ding nagbabanta si Duterte na papatayin ang mga drug suspek.
Ayon kay Espinosa natakot din siya sa banta papatayin siya o ang kanyang pamilya kung hinid susunod sa kanilang plano.
“Ang naramdaman ko noon ay takot na ako ay isunod nilang patayin,” pag-amin ni Espinosa.
Kapwa itinanggi nina Duterte at Dela Rosa na mayroon silang direktang kaugnayan sa mga pagpatay.