
KINASTIGO ni House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo ang Office of Civil Defense maging ang local government unit ng Maco, Davao de Oro dahil sa kapabayaan sa nangyaring landslide sa Maco, Davao de Oro na ikinamatay ng 98 katao habang siyam pa ang nawawala.
Sa pagbubukas ng pagdinig ukol sa imbestigasyon sa naganap na trahedya, ng House Committee on Disaster Resilience na pinangunahan ni Rep. Zia Alonto Adiong ng 1st District ng Lanao del Sur , Iginiit ni Tulfo, ng ACT-CIS partylist na kung umaksyon ng tama ang local government at Office of Civil Defense, posibleng naagapan at hindi nagana pang nasabing landslide.
“Maraming insidente ng landslide bago yung mismong landslide na marami ang namatay. Kung ginawa nila ang trabaho nila hindi ito mangyayari,” ani Tulfo sa pahayag.
Ibinunyag ni Tulfo sa pagdinig na bago naganap ang trahedya sa naturang lugar, serye ng landslide ang naitala sa Maco, Davao de Oro base na rin sa sumbong sa kanyang tanggapan ng IP (Indegenous People) communities sa lugar. Nabatid na nagkaroon ng landslide nitong Enero 12 at 13, 2023 sa Purok Waling-Waling, Bgy. Mainit; Marso 2023 sa Purok Durian, Bgy. Mainit.
Tatlo pang landslide pa ang naitala nitong Enero 2024 na ikinamatay ng isa katao sa iba’t ibang lugar sa Maco o ilang araw bago ang malagim na trahedya sa Maco nitong Pebrero 6.
Nang tangunin ni Tulfo si Maco Mayor Voltaire Rimando at Warren Lucas ng Operations Service ng Office of Civil Defense (OCD) kapwa nila inamin na hindi nakarating sa kanila an gang ulat ng mga naturang landslide. Tanging ang Mines and GeoSciences Bureau lamang ng DENR ang nagsabi na nakarating sa kanila ang mga ulat ng landslide sa lugar.
“Wala rin? So mga walang silbi ang mga ahensya natin. Walang silbi ang OCD buwagin na lang natin siguro. Maging siguro itong munisipyo. So gawa-gawa lamang ng mga IPs itong report sa akin na may mga landslide tayo,” galit na pahayag ni Tulfo.
Hindi naman nagustuhan ni Adiong ang sagot ng OCD na nakatatanggap lamang sila ng report kapag merong namatay na tao ng 10 pataas.
“I could not take that. Hindi ako makapaniwala na ang tinatanggap niyo lamang na report ay kapag may namatay na 10 pataas. That is unacceptable,” ani Adiong.
Tila nakakuha naman ng kakampi ang mga mambabatas kay DSWD Usec. Dian Rose Cajipe, Disaster Risk Management Group, matapos nitong ihayag na nakikiisa sila sa pagdinig ng Kongreso dahil maging ang kanilang ahensya ay naniniwala na kung ginawa ng ayos ang trabaho sa lugar ay posibleng naagapan ang insidente.
“It could be prevented kaya we are one with out lawmakers in this inquiry to prevent another incident like this,” ani Cajipe.
BInatikos naman ni Deputy Majority Leader Wilter Palma, ng 1st District ng Zamboanga Sibugay ang alkalde ng Maco dahil sa kapabayaan nito na hindi agad pinalikas ang kanilang mga residente sa kabila ng sunod-sunod na landslide sa lugar.
“Nagpabaya ka,” ani Palma na iginiit na hindi ginampanan ng alkalde ang kaniyang trabaho.