Photo courtesy : tanggol Pasada Network
NAGKASA ng kilos-protesta ang grupo ng komyuter sa Marikina para kondenahin ang napipintong phaseout ng mga jeepney at para suportahan ang pambansang tigil-pasada sa darating na Abril 15.
Ayon sa grupong Tanggol Pasada Network (TPN) – Marikina, daan-daang mga drayber at opereytor sa Marikina na hindi pumapasok sa franchise consolidation ang mawawalan ng kabuhayan.
Makatwiran ang isasagawang tigil-pasada dahil gutom at kahirapan ang ihahatid ng April 30 deadline sa daan-libong mga pamilya sa buong bansa, ani Lita Malundras, convenor ng TPN-Marikina.
Dagdag pa niya, tanging mga dayuhang manufacturer at mga kasosyo nitong dealer ang makikinabang sa pagtatambak ng modernong yunit.
Ipinanawagan din ng grupo na ibalik ang limang taong indibidwal na prangkisa sa mga jeepney sa halip na gawing panandaliang provisional authority.
Bukod dito, nagpahayag din ng suporta ang grupo sa panawagang nakabubuhay na sahod ng mga manggagawa lalo’t nalalapit ang pagdiriwang ng Araw ng Paggawa sa Mayo Uno.