
TADTAD ng saksak hanggang sa maputol ang leeg ng isang barangay councilor at ang kanyang octogenarian na ina nang matagpuan noong Lunes sa loob ng kanilang bahay sa Rizal, Laguna.
Ang mga biktima ay nakilala bilang si barangay councilor Eduardo Castillo, 55, at ang kanyang ina na si Catalina, 84, parehong residente ng Bgy. Pauli 2, Rizal, Laguna.
Natuklasan ng kapatid ni Eduardo na si Anthony ang nakagigimbal na pagkamatay ng dalawang biktima nang pumunta siya sa bahay nito upang dalhan sila ng pagkain.
Nang makita ang insidente ay agad na ipinaalam ni Anthony sa pulisya ang pangyayari.
Sinabi ni Anthony na kumatok siya sa pinto at walang sumagot.
Dahil sa pagdududa na may masamang nangyari, pinilit ni Anthony na buksan ang pinto at nagulat na tumambad ang kanyang kapatid at ina na naliligo sa sarili nilang dugo at wala ng buhay.
Nagsasagawa na ang masusing imbestigasyon sa pangyayaring ito.