KINUWESTYON ni Senate President Alan Peter Cayetano nitong Martes ang kredibilidad, paraan ng paghawak, at timing ng impormasyong umano’y nagmula sa National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng isang banta laban sa Senado.
Babala ni Cayetano, hindi dapat gamitin ang usapin ng seguridad para sa pulitika.
Sa isang pahayag, sinabi ni Cayetano na kung may lehitimong banta laban sa Senado, dapat itong ipaalam sa buong institusyon at hindi lamang sa mga piling senador habang inililihim sa iba.
“If the threat is credible, then every Senator, every member of the Secretariat, and every individual who works within these walls deserves to be informed and protected,” wika ni Cayetano. “Security is not the concern of one bloc. It is the concern of the entire Senate.”
Tinanong din ng Senate President kung bakit sa NBI umano nagmula ang impormasyon at hindi sa sariling security apparatus ng Senado, partikular sa Office of the Sergeant-at-Arms na may mandato na tiyakin ang seguridad ng institusyon.
Kinuwestiyon niya ang pagiging tanging source ng NBI sa umano’y banta, lalo pa’t kamakailan lamang ay nasangkot umano ang ahensya sa isang komprontasyon sa loob ng Senado na nauwi sa karahasan at pagpapaputok ng baril.
Binanggit din ni Cayetano na may mga opisyal ng NBI na hayagang nagpahayag ng posisyon kaugnay ng umiiral na alitan sa liderato ng Senado.
“A clearly partisan NBI that was itself a party to violence within these walls cannot credibly appoint itself the guardian of our safety,” wika niya.
Dapat ding malinaw aniya kung ang impormasyong intelihensiya ay na-validate ng iba pang ahensyang may pangunahing mandato sa usaping pambansang seguridad gaya ng Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, at National Intelligence Coordinating Agency.
“Extraordinary claims demand transparency and verification,” wika niya. “The safety of this body is determined by the Senate’s own officers, on the Senate’s own evidence—not by an external agency’s word relayed selectively to a chosen few.”
Bukod sa usapin ng kredibilidad, pinuna rin ni Cayetano ang tiyempo ng paglabas ng impormasyon.
Aniya, lumutang ang ulat tungkol sa umano’y banta sa panahong nagsisimulang umani ng mas matinding atensyon ng publiko ang mga testimonya sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa mga flood control project.
“The timing demands honesty,” wika niya. “This ‘threat’ surfaces precisely as the testimonies made in the latest Blue Ribbon Committee hearing begins to press for answers from the names it has raised.”
Dagdag niya, marunong nang kumilatis ang publiko at nakikita ng mga Pilipino kung kailan inililihis ang atensyon mula sa mga usaping may kinalaman sa pananagutan.
Binigyang diin din ni Cayetano na hindi dapat gamitin ang mga tunay na banta sa seguridad upang maantala, maantig, o mailihis ang trabaho ng lehislatura.
“A real threat is used to protect the Senate’s work, never to suspend it,” wika niya. “We will not allow the safety of this institution to become an instrument for silencing it.”
Iginiit ng Senate President na nananatiling sentrong usapin ang paghahanap ng katotohanan at pananagutan, partikular sa paggamit ng bilyun-bilyong pondong inilaan para sa mga flood control project.
“At a time when billions in flood control funds remain under scrutiny, why does the national conversation keep shifting away from accountability?” wika niya.
Sa pagtatapos ng kanyang pahayag, muling iginiit ni Cayetano na dapat manatiling independyente, bukas, at nakabatay sa katotohanan ang Senado.
“The Senate must not become a stage where narratives are managed,” wika niya. “It must remain a forum where truth is pursued.”
