POSIBLENG tumaas ang kriminalidad, terorismo, smuggling ng mga armas, at malawakang karahasan sa halalan sa 2025 matapos pahintulutan ng Philippine National Police (PNP) ang mga sibilyan na magmay-ari ng mga armas na mataas ang kalibre.
Ito ang naging pangamba ni Senador Imee Marcos dahil aniya, hindi alam ng karamihan sa publiko, kamakailan lamang ay binago ng PNP ang mga implementing rules and regulations (IRR) ng Republic Act 10591, o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition, na nagpapahintulot na maibigay ang mga lisensya sa mga sibilyan para sa mga M-14 rifles at iba pang semi-automatic na mga armas na may kalibre ng 7.62mm at mas mababa.
“Ipinapahamak mismo ng PNP ang sarili nitong organisasyon. Makokompromiso ang kahusayan ng mga law enforcers at – higit sa lahat – ang kaligtasan ng publiko,” diin ni Marcos.
“Gusto ba natin ang paglaganap ng karahasan tulad ng sa U.S.? Sino ang naglo-lobby para sa paggawa at importasyon ng mga armas?” tanong niya.
Idinagdag ng senador na ang mga ginawang pagbabago ng PNP sa IRR ng batas sa mga armas at bala kamakailan ang magdudulot ng kumplikasyon sa gawain ng pamahalaan na i-decommission o bawasan ang mga armas ng mga rebelde.
Ang “napakatamlay na takbo” ng decommissioning ay iniimbestiga ngayon sa Senado, ayon sa Senate Resolution 321 na isinumite ni Marcos noong Nobyembre ng nakaraang taon.
“Kapag may mga insidente ng pagpatay, ang mga parusa para sa maling paggamit ng armas ay magbibigay lamang ng malamig na kaginhawaan sa mga pamilya ng mga biktima – kasama na ang mga pulis, sundalo, at mga sibilyan,” sabi ng senador.