MAGBIBITIW bilang chairman ng Senate Blue Ribbon Committee si Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” M. Lacson matapos ipahayag ng ilang kasamahan sa Senado ang kanilang pag-aalinlangan sa isinasagawang imbestigasyon hinggil sa mga maanomalyang flood control projects.
Gayunman, iginiit ni Lacson — na nagpaliwanag na ang lahat ng mga chairman ng komite sa Senado, kabilang ang Blue Ribbon, ay halal ng kanilang kapwa senador — na hindi nito mapipigil ang kanyang patuloy na laban kontra katiwalian.
“Since all chairpersons of the Senate committees are elected by our peers, I serve at the pleasure of my colleagues, particularly the members of the majority. Rightly or wrongly, when quite a number of them have expressed disappointment over how I’m handling the flood control project anomalies, I thought it’s time for me to step aside in favor of another member who they think can handle the committee better,” ani Lacson.
“No amount of criticisms from misinformed netizens and partisan sectors can distract or pressure me from doing my job right, but when my own peers start expressing their group or individual sentiments, maybe it is best to vacate. Nevertheless, I will continue to fight a corrupt and rotten system in the misuse and abuse of public funds as I have consistently done in the course of my long years in public service,” dagdag niya.
Ani Lacson sa panayam sa DZBB nitong Linggo ng umaga, inihahanda na niya ang kanyang liham ng pagbibitiw at maaaring ihayag ito sa plenaryo sa oras na ipagpatuloy ng Senado ang sesyon nito.
Binatikos ni Lacson ang mga “fake news” at maling naratibo na ipinakalat ng ilang grupo — kabilang ang akusasyong pinupuntirya niya ang ilang kapwa senador habang umano’y pinoprotektahan naman ang mga miyembro ng Kamara na tinuturing na “masterminds” ng isyu sa flood control projects — kabilang sina dating Speaker Martin Romualdez at dating Rep. Elizaldy Co.
“Kung ako tatanungin, siyempre sasabihin ko maayos ang aking paghandle dangan nga lang laging may gumugulo. Di pa nagsisimula ang pagdinig, pagkatapos ng call to order, may nanggugulo. So doon nagkakaroon ng perception na hindi maganda ang pag-handle,” aniya.
