Pinag-aaralan ng pamahalaan ang hirit na pansamantalang akuin ang pagbabayad ng kontribusyon ng mga empleyado ng gobyerno at pribadong kumpanya sa Social Security System (SSS) at Government Service Insurance System (GSIS) bilang bahagi ng mga hakbang upang maibsan ang pinansyal na pasanin ng mga manggagawa sa gitna ng pagtaas ng presyo ng petrolyo dulot ng krisis sa Middle East.
Sa isang press briefing sa Malacañang, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na pag-aaralan ang naturang hiling, kasabay ng pagpapatupad ng iba’t ibang relief measures mula sa mga ahensya ng gobyerno.
“Mayroon nang ginagawa ang SSS, GSIS at Pag-IBIG para sa ating mga kababayan,” ayon kay Castro.
Nauna nang inihayag ni Senator Sherwin Gatchalian, chairperson ng Senate Committee on Finance, na isusulong nila ang pagbibigay ng targeted subsidy para sa middle class, kabilang ang pansamantalang pagsuspinde o pag-absorb ng pension contributions.
“May proposal tayo para magbigay din ng targeted na subsidy sa ating mga middle class,” ani Gatchalian. “Ang aming proposal, i-absorb ng gobyerno, at ginawa natin ito noong pandemya—i-absorb ng gobyerno ‘yung pension premiums na binabayad ng mga nagtatrabaho sa gobyerno, nagtatrabaho sa pribadong kumpanya. Nagbabayad sila ng pension premium sa SSS at GSIS.”
Sa harap nito, tiniyak naman ni Castro na umiiral na ang mga relief measures ng mga pangunahing ahensya ng gobyerno upang magbigay ng agarang tulong.
Kabilang dito ang mga loan program, maagang implementasyon ng 2026 pension increase, loan penalty condonation, at relief para sa contribution delinquency ng mga employer.
“Sa SSS, mayroon silang aabot sa PhP60 billion financial assistance and benefits para sa mga miyembro, pensioners, at sa mga employers sa kanilang mga loan programs at early implementation ng 2026 pension increase. Nandoon din, loan penalty condonation, pati sa employer patungkol sa contribution delinquency ay mayroon na ring relief na ibinibigay ang SSS,” diin ni Castro.
Samantalang sa GSIS naman, sinabi ni Castro na may ipinatutupad na Balik-Ginhawa Program na nagbibigay ng tatlong buwang loan moratorium.
“Ang GSIS naman ay meron nang Balik-Ginhawa program.Ito yung tatlong buwang loan moratorium kung saan ire-refund muna para magamit ng ating mga kababayan at babayaran nila ng walang interes,” wika ni Castro.
“Sa ngayon merong 297,162 out 353,667 applications na nag-qualify na para sa Balik-Ginhawa program,” dagdag pa ni Castro
Bukod dito, inihayag ni Castro na naglunsad din ang Pag-IBIG Fund ng Special Benefit Package para sa mga repatriated Overseas Filipino Workers (OFWs).
Pinapayagan dito ang OFWs ng hanggang 100% withdrawal ng kanilang Regular at Modified Pag-IBIG 2 savings bago ang maturity, gayundin ang tatlong buwang moratorium sa housing loan payments nang walang interes at penalties.
“Sa PAG-IBIG naman nag-announce ng Special Benefit Package para sa mga repatriated OFWs at puwede ma-withdraw up to 100 percent ang PAG-IBIG Regular at ang Modified 2 savings bago ito mag-mature,” dagdag pa ni Castro.
