ANGONO, Rizal – Sa hangaring tiyakin ang kaligtasan ng mga kabataan sa nalalapit na bagong taon, nagbabala ang lokal na pamahalaan sa mga negosyanteng nagbebenta ng mga mapaminsalang laruan – kabilang ang pellet gun.
Sa isang kalatas ni Angono Vice Mayor Gerardo Calderon at mga miyembro ng Sangguniang Bayan, inatasan ang lokal na pulisya para sa mahigpit na pagpapatupad ng Ordinance 15-695 na nagbabawal sa pagbebenta, paggawa at pamamahagi ng “pellet gun” sa nasabing baybaying lokalidad na mas kilala bilang Art Capital of the Philippines.
Sa ilalim ng nasabing ordinansa, anim na buwang kulong, P2,000 multa at kanselasyon ng business permit (para sa mga establisyemento) ang nakaamba sa bawat paglabag.
Sa datos ng Angono Public Safety and Order, daan-daang gun replica ang kinumpiska ng mga kawani ng naturang tanggapan sa pag-ikot sa sampung nasasakupang barangay, mga pamilihan at iba pang establisyemento.
Kasama ang mga katuwang na civilian security units, nagpakalat din ng impormasyon ang tanggapan ng Angono Public Information Office hinggil sa peligrong dulot ng baril-barilang bumubuga ng bulitas.
“Nananawagan po kami sa mga nagtitinda sa aming bayan – may ordinansa po tayo laban sa paggawa, distribusyon, pagbebenta at paggamit ng mga laruang nakakasakit,” ayon kay Calderon.
Sa mga nakalipas na panahon, nakapagtala ang Department of Health (DH) ng mga insidente ng pagkabulag ng mga batang tinamaan ng bulitas sa gitna ng paglalaro nauusong ng pellet toy guns.