
BINAWI ng Land Transportation Office (LTO ang lisensya ng driver ng isang itim na sports utility vehicle (SUV)na bunmagga at ikinasawi ng dalawang tao sa entrance ng departure area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Mayo 4.
Sa limang pahinang desisyon na nilagdaan ni LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, ang driver mula Batangas ay napatunayang guilty din sa reckless driving at pinagmulta ng P2,000 bukod pa sa pagbawi ng kanyang driver’s license sa loob ng apat na taon
Kabilang sa nasawi ang isang apat na taong gulang na anak ng isang overseas Filipino worker (OFW) at isang 29-anyos na lalaki kaya agad namang nagpalabas ng show cause order ang LTO sa rehistradong may-ari at sa driver ng itim na Ford Everest.
Hindi din nagsumite ang driver ng anumang pahayag upang ipagtanggol ang kanyang sarili o ipaliwanag ang kanyang panig sa mga kaso ng walang ingat na pagmamaneho .
Ipinaliwanag din ni Asec Mendoza na ang mga ginawa ng driver na walang due diligence sa pagmamaneho, na naging sanhi ng insidente na nagresulta sa pagkamatay ng dalawang hindi pasahero at ilang pinsala sa iba pang mga biktima, at pinsala sa ari-arian, ay itinuturing na hindi katanggap-tanggap na pag-uugali ng isang driver at maaaring parusahan ng pagbawi ng lisensya sa ilalim ng Republic Act 4136 o ang Land Transportation and Traffic Code.
Sa parehong desisyon, muling idiniin ng LTO na ang pagmamaneho ay hindi isang karapatan kundi isang pribilehiyo na maaaring bawiin anumang oras sa mga kaso ng paglabag sa mga umiiral na batas at road safety rules and regulations.
Pinaalahanan ang mga motorista na maging responsable at disiplinado sa kalsada upang maiwasan ang mga na problema.