PERMANENTE nang binawi ng Land Transportation Office (LTO) ang driver’s license ng drayber ng kontrobersyal na Volkswagen Jetta matapos siyang mapatunayang lumabag sa iba’t ibang batas-trapiko.
Batay sa imbestigasyon ng LTO Intelligence and Investigation Division (IID), natukoy na nagmaneho ang drayber nang walang balidong lisensya, gumamit ng hindi awtorisadong o binagong plaka, at pinayagang magmaneho ng sasakyan ang isang taong walang sapat na awtoridad.
Dahil dito, permanente na rin siyang diskuwalipikadong makakuha ng anumang uri ng driver’s license sa hinaharap.
Hindi Awtorisadong Plaka, Natuklasan
Muling naharang ang Volkswagen Jetta matapos mapansing gumagamit ito ng hindi awtorisadong plaka. Sa beripikasyon ng Official Receipt (OR) at Certificate of Registration (CR), lumabas na hindi tumutugma ang nakakabit na plaka sa rekord ng LTO.
Nabatid din na ang sasakyan ay nakarehistro pa sa pangalan ng ibang indibidwal.
Nauna nang naging usap-usapan ang naturang Jetta dahil sa umano’y paggamit ng ilegal na blinker at pagpapanggap bilang sasakyan ng isang diplomat.
Multa at Ibang Kautusan
Bukod sa permanenteng pagbawi ng lisensya, inatasan din ng LTO ang drayber na bayaran ang mga kaukulang multa at isagawa ang tamang proseso ng paglilipat ng pagmamay-ari ng sasakyan sa kanyang pangalan.
Sa kasalukuyan, nananatiling naka-impound ang Volkswagen Jetta sa kustodiya ng LTO Field Enforcement Division, habang hawak naman ng Intelligence and Investigation Division ang nakumpiskang hindi awtorisado o customized na plaka bilang bahagi ng ebidensya.
