MAHIGIT 800 driver’s license na ang sinuspinde o binawi ng Land Transportation Office (LTO) bilang bahagi ng pinaigting na kampanya ng ahensya sa pagpapatupad ng batas.
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Markus Lacanilao, ang mas mahigpit na mga hakbang ay ipinatupad simula noong Oktubre ng nakaraang taon bilang bahagi ng mga pagsisikap na palakasin ang disiplina sa kalsada at matiyak ang kaligtasan ng publiko.
Sinabi ni Lacanilao na simula nang maupo siya sa pwesto, nasa 434 driver’s license na ang binawi at 396 naman ang nasuspindi .
Ipinaliwanag niya na ang pinaigting na kampanya ay naglalayong mapabuti ang disiplina ng mga motorista, maiwasan ang mga aksidente sa kalsada, at protektahan ang lahat ng mga gumagamit ng kalsada.
“Ito ay bahagi ng aming tungkulin na mahigpit na ipatupad ang mga batas trapiko, at ito ay isa sa mga konkretong nagawa ng LTO,” sabi ni Lacanilao.
Sa 434 na binawian ng lisensya, 325 ang kinansela sa loob ng dalawang taon, 15 ang sumailalim sa apat na taong panahon ng pagkansela, habang 94 ang permanenteng binawi.
Samantala, sa 396 na sinuspindeng lisensya, 23 ang sinuspinde ng isang buwan, 290 ng tatlong buwan, 7 ang anim na buwan, 1 ang pitong buwan, at 75 ng isang taon.
Binigyang-diin ni Lacanilao na ang mga aksyong ito ay sumasalamin sa patuloy na pangako ng ahensya sa pagsusulong ng responsableng pagmamaneho at pagtiyak ng mahigpit na pagsunod sa mga batas trapiko para sa kaligtasan at kapakanan ng lahat sa kalsada.
