DATU MONTAWAL, Maguindanao del Sur — Patay ang isang lalaking nagtitinda ng rolling malunggay-pandesal matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin sa Barangay Bulit nitong Lunes ng umaga.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, pasado alas-7 ng umaga nang lapitan ng isang armadong lalaki na sakay ng motorsiklo ang biktima habang inaayos nito ang kanyang paninda.
Walang sabi-sabing pinaputukan umano ng suspek ang vendor at tinamaan ito sa ulo.
Agad na namatay ang biktima dahil sa tinamong tama ng bala.
Hindi pa nakumpirma ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng biktima dahil wala itong dalang anumang identification card nang mangyari ang pamamaril.
Patuloy ang follow-up investigation ng pulisya para matukoy ang pagkakakilanlan ng gunman at malaman ang dahilan ng krimen.
Hindi pa rin malinaw ang motibo sa pamamaril habang patuloy ang imbestigasyon.
